Pag-ayaw Sa Pagpatay Kaugnay Ng Mga Gamot

Ni: Isko Pineda, Ika – 12 ng Marso 2005

 

Ako ay lumaki sa isang lugar kung saan marami ang namamatay hindi dahil sa  kung anong uri ng sakit kundi dahil sila’y mga dukha. Ang mga tao ay walang nakukuhang serbisyong pangkalusugan dahil mahirap makuha ito at dahil ito ay mahal. Kaya nung ako ay bata pa lamang, wala akong ibang pinangarap kundi maging isang manggagamot upang balang araw ay makatulong sa aking mga kababayan. Ngunit, ang mga kursong medikal ay mahal at dahil dalawa sa aking mga kapatid na babae noon ay parehong nasa kolehiyo, pinakiusapan ako ng aking mga magulang na kumuha ng kurso sa pagtuturo dahil mas mura ito.

 

Ginugol ko ang aking apat na taon sa isang Unibersidad para ihanda ang aking sariling maging isang ganap na magaling na guro, at hindi naman ako nabigo. Naging totoo ako sa aking tungkuling gampanan at ibigay ang lahat ng aking makakaya para matuto ang aking mga estudyante at lumaki silang mga taong may dignidad. Araw-araw sinusubukan kong gampanan lahat ng aking responsibilidad at mamuhay sa paraang sumasalamin sa pinapangarap kong uri ng pamumuhay ng mga kabataan sa mga darating na araw. Nakakalungkot lamang isipin na sa lahat ng mga grupong propesyonal sa aking bansa ang mga guro ang may pinakamaraming trabaho at madalas naabuso. Ang napakalaking responsibilidad na inaasahan mula sa kanila ay hindi naayon sa suweldo at benepisyong natatanggap nila. Kulang na kulang sa akin para makapamuhay ng maayos, kahit pa akoy nagtuturo noon sa isang prestihiyoso at mamahaling pribadong eskuwelahan. Ito ang naghikayat sa akin upang maghanap ng trabahong makakapagbigay ng mas malaking bayad.

 

Dito nagsimula ang aking paglalayag mula sa trabahong punong-puno ng pag-aaruga tungo sa trabahong ang pag-aaruga ay walang kinalaman. Mula sa trabahong nababalutan ng prinsipyo at delikadesa tungo sa trabahong ang kawalan ng prinsipyo at delikadesa ay ang puhunan para maging epektibo.

 

Pumasok ako sa mundo ng medisina, at sa mahaba-habang panahon akoy nabuhay sa mundo ng ilusyon. Masaganang pera, magarang sasakyan, mamahalin at mga kilalang hotel, at napabilang sa mundo ng mayayaman – nasabi ko sa aking sarili, sa wakas  nagtagumpay din. Napakasarap mamuhay na may malaking kinikita at higit sa lahat malayang nagagawa ang lahat ng gustohin dahil hawak mo ang iyong  trabaho at oras. Naaalala ko pa nung ako’y  nagtatrabaho pa sa paaralan, maaga na yong alas nuwebeng uwi sa gabi araw-araw at gigising ng alas singko sa umaga para pumasok sa trabaho. Samantalang sa aking bagong trabaho, pwedeng tanghali na ako magising at pagdating ng alas nuwebe ng gabi, nasa kung saan-saang mga mamahaling restauran na ako kasama ang aking mga kliyente. Masasabi kong ganap na kalayaan.

 

Napakadali ang trabaho. Kailangan mo lamang kumbinsihin ang mga doktor para ireseta ang gamot ng kumpanya, sa pagsasabing ang iyong gamot ang pinakamabisa at walang masamang epekto sa katawan. Kahit pa alam ko na noong binigyan kami ng kumpanya ng pag-aaral tungkol sa aming mga produkto, may mga nabanggit na masamang epekto ng mga ito sa katawan. Ang mga impormasyong may kinalaman sa masamang epekto ng mga gamot  ay isang bagay na sasabihin lamang pag tinanong ng doktor  o kaya sabihin na lang sa kanya  na basahin ang  mga  literaturang binigay sa kanya para malaman ang mga ibang epekto ng gamot sa kaalamang wala silang sapat na oras para magbasa.

 

Ang mga ahente ng gamot ang silang may sapat na kaalaman tungkol sa mga gamot na kanilang binebenta. Alam nila na karamihan sa mga gamot na kumikita sa merkado ay hindi naman talaga kailangan. Malaking halimbawa nito ay ang mga Attapulgites. Ang mga naturang gamot ay kumikita ng milyun-milyong dolyar para na mga kumpanya ng gamot ngunit unti-unti nitong pinapatay ang mga tao habang wala namang nagagawang mabuti sa katawan ng tao. Ang mga gamot na ito ay  madalas inumin ng sinomang nakakaranas ng pagtatae para mapigilan ang pagkaubos ng likido sa katawan ngunit  hindi dapat pigilan ito dahil ito’y  normal na pamamaraan  para alisin ang lahat ng masamang elemento sa katawan. Kinakailangan lamang na masigurong ang pasyente ay hindi mauubusan ng likido sa katawan kung kaya’t  kinakailangan niyang uminom ng maraming likido. Gaya ng inaasahan, ang Attapulgite ang may pinakamalaking porsiyento sa larangan ng medisina.

 

Bilang mga ahente ng gamot, batid namin ang mga medisinang maaring pagmulan ng masamang epekto sa katawan ganun din ang mga gamot na maaring pangontra sa mga masamang epekto sa katawan. Sa kabila ng lahat, masasabi kong ang pinakamataas na hangarin ng lahat ng kumpanyang nagbebenta ng gamot ay magkaroon ng malaking kita.

 

Masasabi kong naging  dalubhasa ako sa aking trabaho kung kaya’t noong taong 2003, akoy pinarangalan bilang pinakamagaling na ahente mula sa libo-libong ahente sa aming kumpanya. Matapos ang ilang buwan, ako’y nabigyan ng promosyon bilang tagapamahala sa isang distrito. Sa loob ng limang taon, masasabi kong nagkaroon ako ng buhay na matiwasay o kaya sa tingin ko ay matiwasay na pamumuhay.

 

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ng pagbabago ang aking buhay. Nagsimula ito nung minsan ako’y isinama ng kaibigan para magtrabaho sa kanilang organisasyong tumutulong sa mga ordinaryong mamamayan. Pinakiusapan akong tulungan sila sa kanilang programang magtayo ng botika sa mga kumunidad na hawak nila. Wala akong sapat na kaalaman pagdating sa nasabing trabaho ngunit dahil alam ko malaking opurtunidad ito para makakuha ng malaking benta, tinanggap ko ito. Diko sukat akalain na ito ang magdadala sa akin pabalik sa larangan ng pag-aaruga. Ang aking madalas na pakikisalamuha sa mga taong kapos, mga taong minsan ay pinangako kong tutulongan ko balang araw, ang silang nagpaalala at humikayat sa akin para panindigan ko ang aking pangako. Sa isang kumunidad na aming binisita, naalala ko pa nung minsan nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang isang ina habang akay-akay niya ang isang batang may buto’t balat na katawan. Aking napag-alaman na halos lahat ng kinikita ng pamilya ay napupunta sa pambili ng gamot sa asawang may malubhang karamdaman (Tuberculosis). Ako’y nagulat nung sabihin niya sa akin ang gamot na iniinom ng asawa, isa ito sa mga gamot na nagbibigay sa akin ng malaking benta. Sa sandaling iyon, diko alam kung ano ang nangyayari sa akin, basta ang alam ko sinabi ko sa aking kausap na ang perang ginagamit na pambili ng gamot ay gamitin na lamang na ipambili ng pagkain dahil ang sakit ng asawa ay may kinalaman sa kakulangan sa nutrisyon.

 

Sa aking patuloy na pagbisita sa mga iba-ibang kumunidad, madalas nakakarinig ako ng mga kwentong katulad ng nauna. Ano ang gagawin mo kung harap-harapan, ipapamukha sayo ang katotohanang ang masaganang buhay na iyong tinatamasa ay pinagbabayaran ng mga taong kailangang isakripisyo ang pagkain ng pamilya makuha  lamang ang lahat na gustohin. Maaring ang ibang tao ay kayang tanggapin ang ganitong klase ng huhay ngunit ang mga gabing hindi ako makatulog ang nagsasabing diko kayang mamuhay sa ganitong klase ng pamumuhay. Hindi nagtagal, ako’y umalis sa aking trabaho. Marami sa mga kasamahan ko sa aking trabaho at mga kaibigan ang nagsabing malaking kalokohan ang aking naging desisyon. Matapos akong magpakahirap para marating ang tugatog ng tagumpay ay basta-basta ko na lang pakakawalan kung kailan narating ko na. Siguro nga loko-loko ako kung isang kalokohan ang pag-iwas maging bahagi ng grupong walang ibang inisip kundi manloko ng ibang tao o malawakang pagpatay sa mga mahihirap sa ngalan ng salapi, karamihan ay mga kababaihan na walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng pamilya.

 

Ang aking karanasan ay isang kwento na nagsasabing ang pag-ayaw sa pagpatay ay hindi lamang panawagan sa mga armadong tao na diretsahang kasali sa malawakang pagpatay sa mga mahihirap, kundi sa ating lahat para salaminin ang ating mga buhay kung tayo ba ay kasali sa malawakang pagpatay – ito man ay dahil sa ating mga ginagawa o ang kawalan ng ginagawa, at gumawa ng hakbang sa landas ng pag-aalaga at hindi sa pagpatay.